Kapihan ni Qroon -- Talaarawang Tagalog

Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.

Google
 
Web Kapihan ni Qroon

Wednesday, August 19, 2009

Wikang Filipino, Manuel L. Quezon at Radyo

Kaninang tanghali ay bukas ang radyo sa bahay. At nakagawian na sa amin na sa himpilang AM kami nakatutok. Naulinigan ko ang tinatalakay sa radyo (dzMM) kaya nilaksan ko. Tampok sa isang programa ang paggunita sa kaarawan ni Manuel L. Quezon at sa araw ng Wikang Filipino.

Hindi man ako tagasubaybay ng palatuntunang Talakan (Talakayan at Kantyawan) ay may maganda silang ginawa kanina. Kahit pa sabihin natin na nakatatawa (sa magandang paraan) ang kanilang pagtatanghal. Hindi nila binanggit sa himpapawid ang salitang coño. Alam din nila na ito ay hango sa wikang Español na may bastos na ibig-sabihin.

------

Napaguusapan na rin lang ang radyo, hayaan nyong papurihan ko si Tiya Dely Magpayo. Isa sa mga dahilan kung bakit naisip kong Tagalog/Filipino ang wika ng talaarawang ito. Sa pakikinig ko sa kanya rin natutunan ang mga mumunting bagay sa ating wika na akala natin ay tama ngunit mali pala.

Ang kanyang mga halimbawa ang nagmulat sa akin na maling gamitin bilang unlapi ang "kaka". Halimabawa ay nakakainis. Ito ay mali sa balarilang Filipino. Ang tama ay nakaiinis. Bakit? Dahil ang unang pantig ng salitang ugat ang dapat ulitin. Sa ating halimbawa ay ang salitang inis.

Sa kanyang palatuntunang pang-gabi, Ang Serenatang Kumbidahan, narinig ang magagandang awitin at tulain. Kagaya ng mga tula ng namayapang Levi Celerio (na isang tunay na Pambansang Alagad ng Sining sa Pilipinas).

------

Isang pagpupugay kay Manuel L. Quezon at sa Wikang Filipino!

Labels: ,

|| nilaga ni qroon, 6:02 PM || link || (0) ang nakihigop |

Saturday, August 01, 2009

Katayan

Ang paksa ng tala kong ito ay walang kinalaman kung maganda o pangit ang pelikulang Kinatay. Hindi ko pa ito napapanood kaya wala akong masasabi tungkol sa pelikulang ito. Ginawa ko ang talang ito dahil sa aking pagbabasa, ay nakita ko ang isang artikulo na sinulat ni Ginoong Roger Ebert. Ito ay tungkol sa pelikula ni Brillante Mendoza na Kinatay. Matatagpuan ang artikulo dito.

Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis sa mga komento ng mga kababayan nating Filipino. Ito yung kalimitan kong nababasa na akala mo ay inapi ang bayan ng Pilipinas kapag mayroong di magandang nasabi tungkol sa isang Filipino. Sa usaping ito, ay isang pelikula. Hindi naging paborable ang artikulo tungkol Kinatay. Ngunit ito ay sa teknikal na pananaw ng isang tao. Hindi nangangahulugan na inaapi ang Pilipinas!

Marahil nga ay likas na balat-sibuyas ang karamihan sa atin. Kung bakit, ay hindi ko alam. Hindi ko alam kung bakit nagiging personal ang pagtanggap sa mga kritisismo. Marami na rin akong nabasa na pinagbibintangang may utak talangka ang mga taong pumupuna sa sikat na kapwa Pilipino.

Hindi nga siguro sapat ang isang tala para talakayin ang tungkol sa akusahang crab mentality at colonial mentality. Magandang paksa ang mga nabanggit. Kapag hindi ako tinatamad ay magsusulat ako tungkol dito.

Oo nga pala, mayroon bang makapagtuturo sa akin kung saan makabibili ng kopya ng pelikulang Kinatay?

Labels: , ,

|| nilaga ni qroon, 7:57 PM || link || (0) ang nakihigop |

Sunday, March 02, 2008

Blogger Sa Wikang Filipino

Kanina ko lamang nabasa na mayroon ng Filipino sa pagpipilian sa Blogger [1]. Nakatutuwa naman at nabigyan ng pagpapahalaga ang ating pambansang Wika. Nawa ay sumunod naman ang iba pang wika dito sa Pilipinas (Bisaya, Ilokano at iba pa.)

[1] Blogger now in Filipino

Labels: ,

|| nilaga ni qroon, 9:40 PM || link || (0) ang nakihigop |

Sunday, February 17, 2008

Musikang Pinoy O ...

... Musikang gawa ng Pinoy?

Matagal na ring umuukilkil sa isipan ko ito. Alin ba ang tama sa dalawa? Tama bang tawaging Musikang Pinoy (Pinoy Music) ang mga awit/musika na nilikha ng mga Pinoy ngunit na-impluwensyahan naman ng musikang kanluranin at iba pang kalapit bansa? Maaaring maka-lantay na pananaw kapag sinabi kong halos walang Musikang Pinoy ngayon. Ngunit nais ko lamang malaman ang pananaw ng iba sa usaping ito.

Hindi naman lingid sa lahat na karamihan sa mga tinatawag na Musikang Pinoy (OPM) ay hango sa musika ng ibang bansa na nilapatan ng wikang filipino (at iba pang wika sa Pilipinas). Kaya tinawag ko itong mga Musikang gawa ng Pinoy (Music by Pinoys). Ano ang Musikang Pinoy? Yaon ay ang mga awiting nilikha ng mga katutubo na hindi gumagamit ng gitara, tambol o anumang instrumentong musikal na galing sa ibang bansa.

Ngunit maaring sabihin ng iba na wala naman talagang taal na Filipino, ang mga ninuno natin ay galing sa mga karatig bansa. Ah, hindi ko alam! Sinasalungat ko na naman ang aking sarili! Marahil ay nais ko lamang ng usapin.

Labels: ,

|| nilaga ni qroon, 9:56 PM || link || (1) ang nakihigop |

Wednesday, January 09, 2008

Google Ad, Pinoy at Edukasyon

Matagal ko na ring nailagay ang Google Ad dito sa Kapihan. Napansin ko na dati na hindi pa gaanong napa-plantsa ang mga lumalabas na patalastas :). Dahil siguro maraming beses na nabanggit sa talaarawang ito ang salitang 'hindi' ay makikita mo sa ads ang 'Hindi Songs'. Ngunit medyo nagulat ako sa nakita kong Google Ad dito.

Filipino Nurse at Philippine OFW. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Bumibili ba ng Ads sa Google ang mga recruiter? Marahil nga ay palasak na rin sa Internet at buong mundo na maraming nurse na Pinoy. Wika nga ng isang kolumnista sa isang pahayagan. Ang mga OFW/Nurse ang malaking naitutulong upang umangat ang halaga ng piso. At ito rin ang dahilan kung bakit nagkukulang ang mga mahuhusay na manggagawa dito sa Pilipinas.

Ang pagha-hanap buhay sa ibang bansa ang nagbibigay ng pag-asa sa karamihan ng Pinoy. At ito rin ang dahilan kung bakit maraming Kolehiyo ang nananamantala sa mga magulang at mag-aaral. Ang pangako ng pangingibang bansa, kahit bumaba ang kalidad ng edukasyon.

Mayroon ba akong sinisisi? Marahil ay mayroon, marahil ay wala. Wala lang siguro akong maisulat. :) Pakinggan (salamat sa editing Inay!) nyo na lang ang ilang awit ng Datu's Tribe sa IAC Music.

Labels: , , ,

|| nilaga ni qroon, 12:16 AM || link || (1) ang nakihigop |