Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.
Wednesday, August 19, 2009
Wikang Filipino, Manuel L. Quezon at Radyo
Kaninang tanghali ay bukas ang radyo sa bahay. At nakagawian na sa amin na sa himpilang AM kami nakatutok. Naulinigan ko ang tinatalakay sa radyo (dzMM) kaya nilaksan ko. Tampok sa isang programa ang paggunita sa kaarawan ni Manuel L. Quezon at sa araw ng Wikang Filipino.Hindi man ako tagasubaybay ng palatuntunang Talakan (Talakayan at Kantyawan) ay may maganda silang ginawa kanina. Kahit pa sabihin natin na nakatatawa (sa magandang paraan) ang kanilang pagtatanghal. Hindi nila binanggit sa himpapawid ang salitang coño. Alam din nila na ito ay hango sa wikang Español na may bastos na ibig-sabihin.------Napaguusapan na rin lang ang radyo, hayaan nyong papurihan ko si Tiya Dely Magpayo. Isa sa mga dahilan kung bakit naisip kong Tagalog/Filipino ang wika ng talaarawang ito. Sa pakikinig ko sa kanya rin natutunan ang mga mumunting bagay sa ating wika na akala natin ay tama ngunit mali pala.Ang kanyang mga halimbawa ang nagmulat sa akin na maling gamitin bilang unlapi ang "kaka". Halimabawa ay nakakainis. Ito ay mali sa balarilang Filipino. Ang tama ay nakaiinis. Bakit? Dahil ang unang pantig ng salitang ugat ang dapat ulitin. Sa ating halimbawa ay ang salitang inis.Sa kanyang palatuntunang pang-gabi, Ang Serenatang Kumbidahan, narinig ang magagandang awitin at tulain. Kagaya ng mga tula ng namayapang Levi Celerio (na isang tunay na Pambansang Alagad ng Sining sa Pilipinas).------Isang pagpupugay kay Manuel L. Quezon at sa Wikang Filipino!Labels: Filipino, Radyo
|| nilaga ni qroon, 6:02 PM