Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.
Thursday, November 25, 2004
Galing ng Pinoy(?)
Napanood ko sa Saksi ang dalawang dating Pinoy na ngayo'y mayor na sa dalawang lungsod sa California, USA. Taas noong ikinumpara nila ang uri ng pulitika na mayroon doon at kalagayan ng pulitika dito sa Pilipinas. Na ang mga botante doon ay hindi humihingi ng pabor sa mga kandidato bagkus ay magbibigay pa ng tulong, pananalapi man o hindi. Ibig sabihin eh dito eh kabaliktaran ang kalagayan? Hhhmmm... masakit pakinggan ngunit may bahid ng katotohanan. Sinong humihingi ng pabor sa pulitiko? Kalimitan ay yung naghihikahos na kapit na sa patalim at ang iba naman ay yung oportunista (marami akong kilalang ganito).
Ngunit noong nakaraang hangalan/halalan ay marami rin naman ang hindi humingi ng pabor sa pulitiko, kusang loob na tumulong sa kampanya na walang inaasahang kapalit. Marami akong nakilala na hindi humingi o tumanggi sa alok na tulong ng mga pulitiko. Mayor dating Pinoy, di lang dyan sa Tate may tumutulong ng kusa sa kandidato. Ano nga ba ang nais kong iparating?
Bago sana ikumpara ang Pilipinas sa ibang bansa, ay magsaliksik man lamang ng kaunti at huwag namang palabasin lagi na masama/pangit ang Pilipinas! Karamihan sa mga nakikita at naririnig kong mga dating Pinoy at mga nakapangibang bansa eh ang bukang bibig ay:
"You know, in America/Europe/Japan/etc. it's like this... blah blah blah.. unlike in the Philippines.... blah blah blah... Filipinos/Philippines is gross, blah... eklay... eklat... chenes." (with accent ha)
At sabi pa ni Vicky Morales, "Ang galing ng Pinoy!"... Engggk!! Hindi sila Pinoy, mga dating Pinoy. Dahil iniwan nila ang Pilipinas upang mamuhay ng tuluyan at maglingkod sa ibang bayan bilang mamamayan doon.
Ang mga larawan sa baba ay ginawa sa The GIMP. Mga simpleng logo na binabalak kong gamitin para sa weblog na ito. Ang salitang "Kapihan" sa pangalawang logo ay hango sa mga titik ng Baybayin.
Napanood ko kagabi(o madaling araw) sa Debate na bumababa na daw ang kalidad ng kakayanan ng mga Pilipino sa pagsasalita at pagsulat sa wikang Ingles. Ilan sa mga nagsalita na isa daw itong malaking dahilan kung bakit hindi umuunlad ang ating Bansa. Maaaring sa unang tingin ay isa nga itong malaking suliranin na pumipigil sa pagunlad ng ating Bansa. Ngunit kung susuriin nating mabuti, may mas malalim na dahilan kung bakit hindi tayo umuunlad.
Hindi lamang ang galing sa pagsasalita at pagsulat sa wikang Ingles, kaalaman sa Bilang o Matematika o ang husay sa Agham ang dapat maging saligan upang umunlad ang Pilipinas. Pagmamahal sa Bayan, pagtuklas at pagbuo ng sariling Bayan ang magiging matibay na haligi upang makamit ang kaunlaran.
May mga nagsasabi na paano mo pa maiisip ang pagmamahal sa sariling bayan kung kumakalam ang sikmura ng iyong pamilya. Hindi ko nga sila masisisi kung bakit sila umaalis ng ating bansa. Sila yung mga OFW na nagpapadala ng dolyar dito, na isa sa nagpapanatiling buhay ang ating ekonomiya. HINDI kasama dito yung mga Doktor na lumisan at naging Nurses sa ibang bansa upang kumita ng MAS malaki at MAGING mamamayan ng bayan na kanilang pinuntahan. HINDI rin kasama dito ang mga nag-aral sa mga pampublikong pamantasan na nang makatapos ay lumipad patungo sa ibang bansa upang doon na magtrabaho at manirahan.
Sa mga pangyayaring ito ay makikita mo ang kakulangan o ang kawalan ng pagmamahal sa Bayan. Una na ang umiiral na kalakaran sa nakaraan at kasalukuyang pamahalaan. Kung may malalim ba na pagmamahal sa bayan ay magagawa nilang ubusin ang kaban ng bayan? Ang kakulangan ng pagmamahal sa bayan ay nagtutulak sa kasakiman. At ang kasakimang ito ang isa sa naglugmok at patuloy na naglulugmok sa atin sa matinding kahirapan. Masasabing kawalan din ng pagmamahal sa bayan kung bakit ang ilan(ilan nga lang ba?) sa mga nagpapanggap na sila ay alagad ng Pilipinong(?) sining na matapos magkamal ng pera sa Pilipinas ay dadalahin ito sa bansa na kung saan ay mamamayan na sila. Mula sa tuktok ng Alta Sociedad hanggang sa sulok ng maruming barung-barong ay umiiral ang kawalan ng pagmamahal sa bayan. Ito na ang masasabing ugat ng kahirapan ng ating Bansa.
Mahaba ngang talakayan ito at hindi sapat ang iilang titik na nakapaloob sa weblog na ito upang mabigyan ng lunas ang "sakit" ng ating bayan. Marahil ay maitatanong ng kung sino mang nagbabasa nito kung mahal ko ang aking bayan. Kung kilala ko na ang pagiging Pilipino ko. Ang alam ko ay nagbabayad ako ng tamang buwis (kahit na may katiwaliang nabubunyag). Pinipilit kong sumunod sa batas at patakaran na umiiral sa ating bayan (kahit ang ilan sa nagpapatupad at nagbalangkas ay nauunang lumabag). Sa gitna ng pagiging abala sa hanapbuhay ay naglalaan ng munting panahon sa pagbabasa ng kasaysayan ng Pilipinas (maging ito ay may kinikilingan). At nagsisikap akong kumita ng sapat upang mabuhay ng marangal ang aking pamilya. Mahirap ngang mahalin ang bayan at kilalalanin ang pagiging Pilipino, ngunit marahil ay kahit sa mga munting bagay ay maaring masimulan ito.
Oo nga pala, Fedora Core 2 na ang nagpapatakbo ng luma kong laptop at XFCE4 ang gamit na Window Manager. At may Wacom Graphire 3 (na maayos na nagagamit sa Linux) na ako, sa mga susunod na mga araw ay makapaglalagay na ako ng ilang larawang ginamitan nito.
Naitanong sa akin ni TheBlued kung bakit wala akong bagong kwento sa Kapihan. Marami kasi akong pinagkakaabalahan sa aking trabaho. Idagdag na ang init ng ulo ko sa pangit na serbisyo ng DSL connection ng BayanTel. Isama na rin ang sakit ng ulo na ibinibigay ng users ng aming network. Puro kasi virus at spywares ang computers nila. Na kahit pa nagpapakahirap kami (IT) ng pag-iisip ng solusyon ay nawawalan ng saysay ang aming ginawa. Bakit? Katigasan ng ulo.
Maaaring ang pagiging abala ko sa trabaho ang dahilan kung bakit hanggang sa pagtulog ay dala-dala ko ito. Nabanggit sa akin ni PenoyCentral na habang natutulog ako kagabi ay nagsasalita ako. Ang ilan daw sa sinasabi ko ay ....
"Dapat ay Apache ang ginagamit dyan...."
Ito ang kapalit ng balik Sys Admin. na trabaho....
Pareho kami ni PenoyCentral na hindi umuwi ng Batangas. Habang ako ay naglalaro sa settings ng DSL, sya naman ay gumagawa ng proposal para sa kanyang trabaho. Bigla na lang nyang nasabi na...
"Kawawa naman tayo, Saturday Night at nasa bahay tayo. Umiinom ng Iced Tea habang ginagawa ang mga bagay na to."
Ang sagot ko naman ay...
"Oo nga, wala tayong social life pero ayaw kong maging geek (ano man ang tunay na ibig sabihin ng salitang ito)."
Kaya nang maubos na ang ice tea ay kinuha ko ang natitira naming San Mig Light at sa saliw ng musika ng Dahong Palay, Backdraft at iba pang 90's metal ay uminom kami. Di na sya naggagawa ng proposal, nagbabasa na ng aklat na Mastering Cisco Routers. Ako nama'y nagsusulat ng pang weblog at nagbabalak magbasa ng ilang Linux how-to's.
Ginamit ko ang isang lumang version ng Damn Small Linux (DSL) sa lumang laptop na nabanggit ko dito. Maayos na nakita ang devices ko, at nakapagpatugtog pa ako ng ilang mp3. And DSL ay isang live cd na naka-base sa Knoppix, ito ay may laking 50MB lamang, kasya sa isang business card size CD. Gumagamit ang DSL ng mga program na maliliit gaya ng Dillo (browser), SciTE (text editor), Emelfm (file manager), xmms (audio player), Fluxbox (Window Manager) at iba pa.
Mukhang nagdadalawang isip ako ngayon kung ito na ang gagamitin kong tuluyan o ang FC3 (na may XFCE) na malapit ng lumabas. May nga paraan upang ma-install ang DSL sa hard drive.
Tinanong ako ni uniksboy kung may audio version ang weblog ko. Mukhang maganda yung suggestion nya. Siguro kapag may mabilis at hitech na PC na ako ay maari na akong maglagay ng audio dito.
Naisulat ko na ang usaping ito sa dating Kapihan. Mas malala pa nga ngayon ang bentahan ng laman sa Internet. Kung dati ay pa-simple lang ang negosasyon eh bulgaran na ngayon. Halimbawa na lang ay sa Yahoo Messenger, isang babae ang may nakakabit na linya sa nick na ginagamit nya.....
"300 load (smart or globe) for a vibrator show"
"MMS Cellphone for a night w/ me"
Sa Friendster naman ay halos ganun din ang tema na ginagamit sa katangian ng taong gustong makilala.
Kahirapan pa ba ang nagtutulak sa mga taong ito para ikalakal ang kanilang katawan? Sa tingin ko ay hindi na. Luho at kinasanayang pamumuhay na ang dahilan kung bakit nila ginagawa ang pagbebenta ng laman.
Isang lumang laptop ngayon ang gamit ko, Toshiba Satellite 1555CDS. Ginamitan ko ito ng Fedora Core 1. Matino namang nagagamit sa pangaraw-araw na gawaing pang-opisina, gaya ng OpenOffice.org at GIMP sa image manipulation. Magagamit din ito ng misis ko para masubukan ang mga Linux/OSS services gaya ng Web (Apache) at Mail (Postfix). Kapag nalagyan ko na ito ng LAN card ay maaari na ring gamitin sa pagbabasa ng E-mail at pagkuha ng impormasyon sa Internet.
Ang isang masasabing malaking benipisyo ng paggamit ng lumang computer ay napipilitan akong pagkasyahin ang limitadong kakayanan ng makina.
Bago lumabas ang Bayanihan Linux version 3, ay gumawa ako ng mga logo para dito. Sa kasamaang palad eh hindi napili ang mga logo ko dahil mukha daw komunista. Makikita ang mga logo dito.
Ang dati kong weblog eh yung Kapihan (matamis, masarap, mapait... matapang), para daw xerex, sabi ng isa kong kaibigan. Nawala ang weblog ko na yun dahil umalis ako sa GatewayPhil.com, binago yata nila ang systems nila. Ang Kapihan ay binalak kong gawing parang nobela. Hahanapin ko pa ang mga lumang sinulat ko, baka kinain na ng panahon (ang lalim!).
Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.
Baybayin
Baybayin po ang tawag sa sinaunang paraan ng pagsulat ng mga Filipino at hindi Alibata! Ang salitang Alibata ay binuo lamang noong mga unang taon ng 1900.