Kapihan ni Qroon -- Talaarawang Tagalog

Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.

Google
 
Web Kapihan ni Qroon

Friday, November 12, 2004

Wika, Kaunlaran at iba pa

Napanood ko kagabi(o madaling araw) sa Debate na bumababa na daw ang kalidad ng kakayanan ng mga Pilipino sa pagsasalita at pagsulat sa wikang Ingles. Ilan sa mga nagsalita na isa daw itong malaking dahilan kung bakit hindi umuunlad ang ating Bansa. Maaaring sa unang tingin ay isa nga itong malaking suliranin na pumipigil sa pagunlad ng ating Bansa. Ngunit kung susuriin nating mabuti, may mas malalim na dahilan kung bakit hindi tayo umuunlad.

Hindi lamang ang galing sa pagsasalita at pagsulat sa wikang Ingles, kaalaman sa Bilang o Matematika o ang husay sa Agham ang dapat maging saligan upang umunlad ang Pilipinas. Pagmamahal sa Bayan, pagtuklas at pagbuo ng sariling Bayan ang magiging matibay na haligi upang makamit ang kaunlaran.

May mga nagsasabi na paano mo pa maiisip ang pagmamahal sa sariling bayan kung kumakalam ang sikmura ng iyong pamilya. Hindi ko nga sila masisisi kung bakit sila umaalis ng ating bansa. Sila yung mga OFW na nagpapadala ng dolyar dito, na isa sa nagpapanatiling buhay ang ating ekonomiya. HINDI kasama dito yung mga Doktor na lumisan at naging Nurses sa ibang bansa upang kumita ng MAS malaki at MAGING mamamayan ng bayan na kanilang pinuntahan. HINDI rin kasama dito ang mga nag-aral sa mga pampublikong pamantasan na nang makatapos ay lumipad patungo sa ibang bansa upang doon na magtrabaho at manirahan.

Sa mga pangyayaring ito ay makikita mo ang kakulangan o ang kawalan ng pagmamahal sa Bayan. Una na ang umiiral na kalakaran sa nakaraan at kasalukuyang pamahalaan. Kung may malalim ba na pagmamahal sa bayan ay magagawa nilang ubusin ang kaban ng bayan? Ang kakulangan ng pagmamahal sa bayan ay nagtutulak sa kasakiman. At ang kasakimang ito ang isa sa naglugmok at patuloy na naglulugmok sa atin sa matinding kahirapan. Masasabing kawalan din ng pagmamahal sa bayan kung bakit ang ilan(ilan nga lang ba?) sa mga nagpapanggap na sila ay alagad ng Pilipinong(?) sining na matapos magkamal ng pera sa Pilipinas ay dadalahin ito sa bansa na kung saan ay mamamayan na sila. Mula sa tuktok ng Alta Sociedad hanggang sa sulok ng maruming barung-barong ay umiiral ang kawalan ng pagmamahal sa bayan. Ito na ang masasabing ugat ng kahirapan ng ating Bansa.

Mahaba ngang talakayan ito at hindi sapat ang iilang titik na nakapaloob sa weblog na ito upang mabigyan ng lunas ang "sakit" ng ating bayan. Marahil ay maitatanong ng kung sino mang nagbabasa nito kung mahal ko ang aking bayan. Kung kilala ko na ang pagiging Pilipino ko. Ang alam ko ay nagbabayad ako ng tamang buwis (kahit na may katiwaliang nabubunyag). Pinipilit kong sumunod sa batas at patakaran na umiiral sa ating bayan (kahit ang ilan sa nagpapatupad at nagbalangkas ay nauunang lumabag). Sa gitna ng pagiging abala sa hanapbuhay ay naglalaan ng munting panahon sa pagbabasa ng kasaysayan ng Pilipinas (maging ito ay may kinikilingan). At nagsisikap akong kumita ng sapat upang mabuhay ng marangal ang aking pamilya. Mahirap ngang mahalin ang bayan at kilalalanin ang pagiging Pilipino, ngunit marahil ay kahit sa mga munting bagay ay maaring masimulan ito.

Oo nga pala, Fedora Core 2 na ang nagpapatakbo ng luma kong laptop at XFCE4 ang gamit na Window Manager. At may Wacom Graphire 3 (na maayos na nagagamit sa Linux) na ako, sa mga susunod na mga araw ay makapaglalagay na ako ng ilang larawang ginamitan nito.
|| nilaga ni qroon, 4:20 AM

1 Ang nakihigop:

ayos. mabuhay ka DUDE! hehe
Blogger yosibreak, at 11:41 AM  

Makihigop na!