Nakaboto na kami ni Joy kanina. Magkaiba kami ng mga ibinoto sa mga lokal na kandidato. Hindi nya isinulat yung mga maiingay at nakabubulahaw ang campaign jingles. Ako naman ay pulitikal na dahilan. Meron din kaming mga blangko. Bakit? Wala kasi kaming mapili. Ayaw naman namin ng lesser evil.
Sa loob ng presinto, merong mga poll watcher. Ang siste nito, nagbubulong ng mga kandidato nila! Tsk! Lalo naming hindi ibinoto ang mga ikinakampanya nila. Isa lang ang maibubunyag kong ibinoto namin, ang partylist na AKAPIN. Bakit? Dahil sila ang ilan sa mga tunay na nangangailangan ng kinatawan sa kongreso, ang mga may kapansanan.
Kanina rin ay napanood namin sa telebisyon ang panayam sa isang kongresista at isang senador. Ayon sa kanila ay panahon na upang magkaroon ng mas mataas na pamantayan upang makakandidato. Kailangang nakapagtapos ng kolehiyo dahil sabi nga, kung ang mga pulis ay kailangang tapos ng pag-aaral ay bakit nga naman hindi rin gawin ito sa presidente at iba pa.
Ayon din sa kongresista, ay bumababa ang kalidad ng mga debate sa mababang kapulungan ng kongreso. Ganun din naman, ayon sa senador, kailangang malalim ang alam ng isang kandidato tungkol sa mga batas at lehislatura. Ano nga naman daw ang magagawa ng isang artista, boksingero at kung sinu-sino pa.
Sa unang pakinig, ay mapaniniwala kang ito nga ang katugunan upang gumanda ang pamamalakad at paggagawa ng batas. Ngunit kung iisipin natin, ay hindi ito ang solusyon sa mga suliranin. Lilikha lamang ito ng gulo at maaaring samantalahin ng ilan upang makakuha ng simpatya sa nakararami.
Edukasyon pa rin. Sa isang bayan o pamayanang marami ang nakapag-aral ng tama ay hindi na kailangang higpitan ang pamantayan sa pagkandidato.
Labels: Edukasyon, Eleksyon, Halalan