Kapihan ni Qroon -- Talaarawang Tagalog

Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.

Google
 
Web Kapihan ni Qroon

Monday, March 14, 2005

Langis, Buwis at Simbahan

Patuloy ang pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo. Halos linggo linggo ang nagiging pagtaas ng presyo. Pati na rin ang singil sa kuryente ay nakaambang tumaas. Idagdag pa natin ang pagtaas ng presyo ng mga de-lata (na syang kalimitan kong ulam). Bunsod nito ay humihingi na rin ng dagdag na pasahe ang mga samahang pangtransportasyon. May kalakihan din ang hinihinging dadag pasahe, 2 piso sa paunang apat na kilometro at piso sa kada kilometrong madadagdag. Kung magkagayon ay magiging 7.50 na ang paunang pamasahe!

Nakatakda na ring magdagdag ng presyo sa pamasahe sa MRT/LRT. At ang malupit pa ay ang mapapadagdag na bayaring buwis na ang tiyak na tatamaan ay ang mga pangkariwang mamamayang kagaya natin. Kung dati-rati ay nakaiipon pa kami ng konti ay halos kapusin na ngayon ang buwanang kita. Sa pagtataya ko ay yung sweldo ko ngayon ay halos kalahati na lang ng halaga mga tatlong taon na ang nakalilipas!

Kung pagbibigyan ang ang mga pagtataas ng pamasahe ay mukhang dapat humingi na rin ng dagdag na sweldo ang mga manggagawa. O di naman kaya ay kahit transportation at food allowance. Mas mainam nga siguro na allowance kaysa dagdag na sweldo para di malaki ang buwis na babayaran! Tuwing araw ng sweldo ay mapapa-iling ka na lang dahil sa buwis at iba pang binabawas sa ating sahod. Samantalang yung mga malalaking kumpanya ay nakalulusot sa mga bayaring buwis. At yung iba naman ay binibigyan pa ng diskwento at pinatatawad sa kanilang 'inosenteng pagkakamali' sa pagbabayad ng buwis!

Buwis na rin lang ang pinaguusapan, bakit kaya hindi singilin ng buwis ang mga relihiyon? Sa halip na dagdagan ang VAT ay pagbayarin na ng buwis ang mga simbahan. Kung sa Bibliya nga ay mababasa natin na hinihikayat pa ng Panginoong Hesus Kristo na magbayad ng buwis ang mga alagad nya ay ang mga simbahan pa kaya?

Nasabi ng isa kong kaibigan ay, "Paano yun? magbibigay ng resibo ang mga simbahan? Mahirap yata yun at masyadong makaaabala."

Ang sabi ko naman, "Kung talagang tapat ang mga simbahan ay idedeklara talaga kung magkano ang pumapasok na pera sa kanila at di na kailangang magbigay ng resibo."

Sa dami ng mga relihiyon dito sa ating bansa ay malaki rin ang malilikom na halaga kung papatawan ng buwis ang bawat isa sa kanila.
|| nilaga ni qroon, 9:32 AM || link || (0) ang nakihigop |

Call Center

Minsan ay nakasabay ko sa pag-uwi sa Batangas ang kaklase ko nung elementary. Marami kaming napagkwentuhan, marami ding walang kwenta. Sa aming pagkukwentuhan ay nabanggit ko sa kanya na ilang buwan din akong nagtrabaho sa isang call center bago ako pumasok sa kasalukuyan kong hanapbuhay. Bigla nyang nabulalas na:

"Ha? Nagtrabaho ka sa call center?"

"Oo p're, bakit?" ang sagot ko.

"Kung di lang kita kilala ay sasabihin kong typical kang call center agent, mayabang pero mababaw." ang sagot naman nya.

"Totoo namang mayabang at mababaw ako ah." biro ko naman sa kanya.

"**** $#& ka, madaldal at maangas ka lang." ang banat nya.

Harsh generalization (o ha, Inggles yun!). Ngunit hindi ko sya masisi kung mayabang at mababaw ang unang impression nya sa mga nagtatrabaho sa call center. May himig ng katotohanan ang sinabi nya. Noong nasa call center pa ako ay marami nga akong napansin sa mga agent. Kalimitan ay ganito ang eksena:


Minsan nga ay narinig ko sa isang kasama ko sa training na, "(Company Here) is the embodiment of the American Lifestyle!" Omigawd, malala na 'to.

Ipinaliwanag ko naman sa kaklase ko na hindi naman lahat ng nasa call center ay mayabang at mababaw. Marami din naman ang hindi. Kagaya na lang ng dati kong mga kasama sa account namin, mababait (naks) at hindi mayayabang. Ibahin nila kami. Linux, buhay at kalibugan ang paboritong paksa ng usapan (Peace mga m're at p're!). Sabi nga ng isa kong L2, "Hay naku, yung mga mayayabang sa ibang account eh kalimitan naman ay butas ang bulsa".

Ngunit hindi lahat ng butas ang bulsa (kagaya ko) ay mayabang.
|| nilaga ni qroon, 9:28 AM || link || (2) ang nakihigop |

Tagalog

May nagtanong na rin sa akin kung bakit Tagalog ang pangunahing wika na ginagamit ko sa weblog na ito. Gayong Inggles ang pangkaraniwang ginagamit na wika sa karamihang weblog. Una na ay hindi ako gaanong bihasa sa paggamit ng Ingles sa pagsulat. Pangalawa ay nais kong madagdadagan kahit paano ng nilalamang tagalog ang mga babasahin sa Internet.

Isa ring dahilan kung bakit tagalog ang gamit ko ay yung isang ugali ko na ayaw makiuso. Maaaring mababaw na dahilan ngunit isa na ring dahilan ito. Minsan ay ginagawa ko na rin ito bilang pangtapat sa ibang mahihilig mag-inggles kahit baluktot. Lalo na kapag mukhang nagpupumilit lang yung nag-iinggles.

Hindi lang sa pagsusulat kundi maging sa pangaraw-araw na pagsasalita. Kagaya 'pag nasa mga fast food chain (na mabagal ang serbisyo), pagkain o panlasang Pinoy daw ngunit Inggles naman ang gamit na salita ng mga kahera kahit alam nilang kapwa Pinoy ang kausap nila. Idagdag mo pa yung kalimitan mong maririnig sa sa mga mall na babanat yung ina nang, "Come here baby, don't go there, its dirty", sabay linga upang tiyakin na may nakaririnig sa twang nya.

Katulad rin yan nung mga bumibili sa mga canteen, "Half garlic rice and coffee nga" "Half rice pa dito". Anak ng tipaklong na pilay, mahirap bang sabihing, "Kalahating sinangag at kape po" "Kalahating kanin pa po"? Tapos sablay naman ang Inggles kapag nag-e-mail ng kanilang pangangailangang pangkompyuter sa aming department!

Masama ba ang ugali ko?
|| nilaga ni qroon, 9:25 AM || link || (0) ang nakihigop |