Kapihan ni Qroon -- Talaarawang Tagalog

Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.

Google
 
Web Kapihan ni Qroon

Monday, March 14, 2005

Langis, Buwis at Simbahan

Patuloy ang pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo. Halos linggo linggo ang nagiging pagtaas ng presyo. Pati na rin ang singil sa kuryente ay nakaambang tumaas. Idagdag pa natin ang pagtaas ng presyo ng mga de-lata (na syang kalimitan kong ulam). Bunsod nito ay humihingi na rin ng dagdag na pasahe ang mga samahang pangtransportasyon. May kalakihan din ang hinihinging dadag pasahe, 2 piso sa paunang apat na kilometro at piso sa kada kilometrong madadagdag. Kung magkagayon ay magiging 7.50 na ang paunang pamasahe!

Nakatakda na ring magdagdag ng presyo sa pamasahe sa MRT/LRT. At ang malupit pa ay ang mapapadagdag na bayaring buwis na ang tiyak na tatamaan ay ang mga pangkariwang mamamayang kagaya natin. Kung dati-rati ay nakaiipon pa kami ng konti ay halos kapusin na ngayon ang buwanang kita. Sa pagtataya ko ay yung sweldo ko ngayon ay halos kalahati na lang ng halaga mga tatlong taon na ang nakalilipas!

Kung pagbibigyan ang ang mga pagtataas ng pamasahe ay mukhang dapat humingi na rin ng dagdag na sweldo ang mga manggagawa. O di naman kaya ay kahit transportation at food allowance. Mas mainam nga siguro na allowance kaysa dagdag na sweldo para di malaki ang buwis na babayaran! Tuwing araw ng sweldo ay mapapa-iling ka na lang dahil sa buwis at iba pang binabawas sa ating sahod. Samantalang yung mga malalaking kumpanya ay nakalulusot sa mga bayaring buwis. At yung iba naman ay binibigyan pa ng diskwento at pinatatawad sa kanilang 'inosenteng pagkakamali' sa pagbabayad ng buwis!

Buwis na rin lang ang pinaguusapan, bakit kaya hindi singilin ng buwis ang mga relihiyon? Sa halip na dagdagan ang VAT ay pagbayarin na ng buwis ang mga simbahan. Kung sa Bibliya nga ay mababasa natin na hinihikayat pa ng Panginoong Hesus Kristo na magbayad ng buwis ang mga alagad nya ay ang mga simbahan pa kaya?

Nasabi ng isa kong kaibigan ay, "Paano yun? magbibigay ng resibo ang mga simbahan? Mahirap yata yun at masyadong makaaabala."

Ang sabi ko naman, "Kung talagang tapat ang mga simbahan ay idedeklara talaga kung magkano ang pumapasok na pera sa kanila at di na kailangang magbigay ng resibo."

Sa dami ng mga relihiyon dito sa ating bansa ay malaki rin ang malilikom na halaga kung papatawan ng buwis ang bawat isa sa kanila.
|| nilaga ni qroon, 9:32 AM

0 Ang nakihigop:

Makihigop na!