Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.
Sunday, April 30, 2006
No Discrimination
Noong nakaraang Huwebes ay dumalo kami ni Boy Popoy sa konsyertong ito. Naala-ala namin tuloy noong dekada 90 nang kami ay nagbabanda pa. Mga panahong haling na haling kami sa pagtugtog at pagpunta sa mga konsyerto. Masayang nakaiinis ang tugtugan dito. Masaya dahil napanood namin muli ang ilan sa mga bandang hinahangaan namin, gaya ng Wuds at Philippine Violators. Nakaiinis dahil bitin. Dito rin namin napagtanto na may edad na nga kami dahil kuya at sir na ang tawag sa amin ng karamihan sa mga kapwa namin nanunuod. 'Tol at P're naman ang tawag ng mga beteranong banda, he he he.
Karamihan sa mga bandang tumugtog ay mga bata pa, may punk at nu metal. Ayos sana ang tugtugan ng mga nu metal bands kung maiintindihan mo ang iniuungol/isinisigaw ng bokalista :). May mga banda kasing walang dudang mahusay sa instrumento, ngunit sumasablay sa lyrics. Meron ngang sumisigaw/atungal na animo'y malalim ang ipinahihiwatig ngunit pagkabigo sa pag-ibig naman pala ang paksa. May mga myembro rin ng banda na nauuna ang porma bago ang talento. At may mga banda ring marami lang ang hatak.
Maayos ang tugtugan ng mga beterano gaya ng Askals, Bad Omen (Slam Galore!), Wuds, at Philippine Violators (Slam Ulit!). Nagpaabot ng mensahe ang Wuds ukol sa kalagayan ng ating bansa, ngunit sa tingin ko ay wala pang limang bahagdan ang nakarinig/umintindi nito. Bumili rin kami ng 22nd Anniversary album ng Phil Vio(salamat sa autograph!).
Ilan sa mga larawan ay nasa flickr(upload na lang ang iba sa susunod na b'wan) account ko. Abangan na rin natin ang ilang kuha ni Boy Popoy. OO nga pala, ito ang ika-100 tala sa Kapihan.
|| nilaga ni qroon, 2:15 AM