Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.
Monday, August 01, 2005
Usapang Maganda at Kabalintuanan
Noong Sabado ay tungkol sa pamantayan ng kagandahan ang paksa sa Imbestigador. Tinalakay kung ano ba ang pananaw nating mga Pilipino sa kaanyuan. Lumalabas sa pag-aaral na malaki ang ipinagbago ng ibig-sabihin ng kagandahan para sa nakararami nating mga kababayan. Maputing kulay ng balat, matangos na ilong at matangkad ang pangkariwang pumapasok sa isip ng marami pag nabanggit ang salitang kagandahan.
Marahil ay nabuo ito dala ng mahabang panahon na tayo ay nasakop ng iba't ibang bansa at kalinangan. Isama na rin natin ang katotohanan na karamihan sa mga Artista at sikat na tao ay mga Mestizo/a o di kaya naman banyaga. Dala na marahil ng Kanluraning pananaw ng kagandahan lalo na sa mga kababaihan; malalaking dibdib, maliit na bewang, malapad na balakang at maputing kutis.
Maging sa paghahanap ng trabaho ay lamang na lamang ang may kaaya-ayang kaanyuan. Malaking dagdag na puntos daw kapag ikaw ay maganda. Naisip ko tuloy na dagdag ito bukod pa sa pagtatangi sa mga pamantasang pinanggalingan. Hindi nga yata patas ang labanan.
Natutuwa marahil ang mga Cosmetic Surgeon dahil lalong dumadami ang mga parokyano nila. Ganoon din naman ang mga gumagawa ng mga sabong pampaputi. Sa mga patalastas nila ay ipinagdidiinan talaga na mas maganda ang mga mapuputi! Sa bansang karamihan ng mga kababaihan ay kayumanggi ay milyun-milyon nga ang kikitain nila.
Oo nga pala Biolink ang isa sa mga patalastas ng Imbestigador.
Ahem! Excuse me po!
|| nilaga ni qroon, 10:28 AM