Kapihan ni Qroon -- Talaarawang Tagalog

Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.

Google
 
Web Kapihan ni Qroon

Monday, February 07, 2005

Bakit Kapihan?

Bakit nga ba Kapihan ang pamagat ng weblog na ito? Gayong wala namang kinalaman sa mga paraan ng pagtatatanim o paglalaga ng kape ang mga nakasulat dito. Wala rin naman akong isinusulat tungkol sa isang café. Gaya ng nabanggit ko na dati, ang balak ko sa unang Kapihan ay paikutin ang kwento tungkol sa mga tauhan sa Kapihan ni Tasyo.

Ang isa ring dahilan kung bakit napili ko ang salitang Kapihan ay dahil sa taga-Batangas ako. Nakagisnan ko na ang pag-inom ng kape sa mga magulang ko at sa mga tao sa paligid namin. Mapamatanda o bata man ay humihigop ng kape, umaga, tanghali, hapon o gabi man. Kapag walang gulay, ay isinasabaw sa kanin ang kape, lalo na kapag prito o inihaw ang pangulam. Ang anak nga namin na dalawa't kalahating taong gulang pa lang ay humihigop na ng kape at nagsasabaw nito sa kanin!

Noong bata ako hanggang sa pumasok sa pamantasan ay may tanim na kape sa aming looban. Sabi ng matatanda sa amin ay yung ilan ay kapeng tagalog (o native) at ang ilan naman ay beureau, ang sapantaha ko eh galing sa pamahalaan ang ginamit na binhi sa pagtatanim ng pangalawang uri ng kape na nabanggit ko. Ngayong naghahanap-buhay na ako at may pamilya na eh nawala na ang puno ng kape sa aming bakuran, hindi ko na matandaan kung anong dahilan kung paanong nawala ito.

Naalala ko dati kung ano ang ginagawa sa kape bago mailagay sa mga tasa bago higupin. Pagkapitas ng mga hinog na bunga ng kape ay tatalupan ang mga ito at ibibilad hanggang sa matuyo. Matapos ang pagpapatuyo ay isasangag sa tulyasi (malaking kawali), inaabot ito ng maghapon o kaya naman ay naaayon sa nais na maging lasa. Matapos isangag sa babayuhin o kaya naman ay gigilingin. Kung nais na mas matapang ay mas pino ang giling at kung katamtaman naman ay malalaki ng kaunti ang mga butil. Kapag nagiling na ay maaari ng ilaga at ihain.

Sa ngayon ay hinahanap hanap ko ang lasa ng kape na dumaan sa paghahandang nasabi ko. Masarap din ang kape kung hahaluan ng tabliya, bilog na tsokolate na ang sangkap ay cacao. Magkahalintulad ang paghahanda ng kape at tabliya. Dito sa kalungsuran ay instant ang kapeng iniinom ko dahil wala naman akong pambili ng brewed coffee mula sa mga sikat na Kapihan.

Kapihan: Kape, kuro-kuro at kung anu-anong bagay.
|| nilaga ni qroon, 10:32 AM

0 Ang nakihigop:

Makihigop na!