Marahil ay maraming nabobola ang talaarawang ito. Alin? Yung mga naghahanap ng resulta sa Google, Yahoo at iba pa. Mga naghahanap ng kasagutan sa kanilang mga takdang-aralin. May naghahanap ng mga pangalan ng Senador ng Pilipinas, larawan ng mga artista at kung anu-ano pa.
May naghahanap din ng tungkol sa mga bayani at kasaysayan. Ganoon na ba kaliit ang bahagdan ng mga tagalog o pilipinong aralin sa Internet? Marahil nga ay kakaunti ang nagsusulat ng kasaysayan na gamit ang tagalog/pilipino. O sablay lang talaga ang algoritmong ginagamit ng Google at Yahoo? O hindi lang marunong gumamit ng Internet ang mga naghahanap?
Panahon na nga yata upang magkaroon ng maraming magsusulat ng tala na gamit ang tagalog at pilipino. Ngunit sino? Maraming guro at manunulat na abala sa kanilang mga hanapbuhay. At mayroon nga palang Tagalog Wikipedia. Marami din namang makukuha dito ang mga mag-aaral.
Ang una kong nasa isip na isulat bilang paningit sa natutulog na talaarawang ito ay ang aking mga paboritong musikero/banda. Ngunit bigla na lamang pumasok sa isipan ko ang mga istatistika ng bumibista dito. Iba na nga siguro ang mga nangyayari kapag nagsimula ka ng pumindot sa mga teklado ng kompyuter.
At eto na ang mga paborito kong bandang lokal (dahil nagsimula na ulit akong tumugtog kahit papaano):
- Datu's Tribe - Pinatunayan nilang ang mga awit na may temang pulitikal ay hindi kailangang maging nakababagot.
- Siakol - Mga awit na sapul ang panlasa ng masa at mga tambay ngunit hindi nakasasawang pakinggan.
- Sugarfree - Mga karanasan ng isang tao at awiting may tema ng pag-big na hindi nagpupumilit maging magandang lalaki.
- The Dawn - Saludo ako sa galing at tagal nila sa mundo ng musika. Hindi mo masasabing iisang panahon o nagpatali sa isang klase lang ng tugtugan ang meron sila. At kapag narinig ang isa nilang kanta, alam mong The Dawn kaagad.
Sa ngayon ay yan lang muna ang maisusulat ko. O Boy Singkit, may mababasa ka na ulit! Paumanhin sa mga humihingi ng links, wala akong oras ngayon upang magsa-ayos ng talaarawang ito. Salamat sa mga nabababasa pa!
Labels: Banda, Mga awit, paghahanap