Nagluluksa ang Pilipinas dahil sa naganap na pambobomba sa Glorietta 2. Nagkaroon na muli ng mga paghihigpit sa matataong lugar. Ngunit ang nakalulungkot ay sa mga ganitong pagkakataon lamang umiigting ang seguridad. Matagal ko ng nababanggit sa mga kaibigan ko ang hindi maayos na pagre-rekisa ng mga gamit sa pamilhan gaya ng Glorietta.
Maraming pagkakataon na kapag naka-shorts lang ako ay titingnan ang gamit ko. Ngunit kapag naka-barong/polo ako ay hindi na titingnan ang laman ng bag ko. Pansin din ito ni Joy, basta-basta na lang titingnan ang kanyang bag, walang depenidong paraan. Marahil ay kulang sa pagsasanay ang mga nagbabantay. Ganoon din sa ibang himpilan ng mga bus, hindi rin ganun kaayos ang seguridad.
Ayaw ko munang talakayin ang pulitikal na aspeto ng naganap na karahasan. Nakalulungkot lang na isiping maraming sektor ng lipunan ang nakikisawsaw na sa usapin.
Sa mga nagtatanong nga pala kung ano ang teklado, ito ay keyboard sa inggles. Teklado rin ang tawag sa tinitipa sa piano. May nagsabi sa akin dati na ang keyboard ng kompyuter ay talapindutan ng titik at bilang. Mukhang tama naman. Sa mga susunod na tala na lang natin ito talakayin.
Labels: Glorietta 2, Pagsabog, Teklado