Kapihan ni Qroon -- Talaarawang Tagalog

Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.

Google
 
Web Kapihan ni Qroon

Wednesday, December 08, 2004

Jose Rizal, Filipino at iba pa

Minsan ay tiningnan ko sa wikipedia.org kung anong nakatala tungkol kay Jose Rizal. Ilang ulit na binigyang diin na si Rizal ay nagbuhat sa lahing Tsino/Intsik. Sa aking pagkakaunawa ay mas pinahalagahan ni Rizal ang kanyang pagiging Filipino. Ang pagtatanggol sa mga Indio (bansag ng mga Kastila sa mga Pilipino), at itinuring at tinanggap niya ang sarili na isang Filipino at hindi Filipino-Chino. Malayung malayo sa karamihan ng mga kababayan natin ngayong nagmula sa lahing Tsino/Intsik na halos ipagsigawan na sila ay:

"100% Chinese"
"25% Chinese"
"69.5% Chinese"
"Filipino-Chinese"

Isa sa naging layunin ng La liga Filipina, na isa si Rizal sa nagtatag, ay ang mapag-isa ang buong kapuluan ng Pilipinas sa isang Bansa. Isang Bansa na may mga mamamayan, mamamayang Pilipino. Naniniwala ako na isa sa mahalagang bahagi ng pagbuo ng isang Bansa ay ang pagtanggap sa sarili na isang mamamayan ng bayang binubuo. Ang pagsasaisang tabi ng pangkat/lahi na pinagmulan upang magkaisa sa layuning makabuo ng isang bayan. Hindi ibig sabihin nito ay kalimutan ng tuluyan ang kalinangang kinagisnan. Ngunit paanong magkakaroon ng isang bayan kung palagiang bibigyan ng diin ang pagiging Tsino, Malay o anumang pangkat/lahi na pinagmulan?

Marami ngang kompanya at produkto na ipinagsisigawang sila ay Filipino. Ngunit pag sinuri mong mabuti ay ang tawag ng mga may-ari sa sarili nila ay, Filipino-American, Filipino-Chinese, Filipino-Japanese..... Marami naman sa atin na mga karaniwang mamamayan ang nagsasabing tayo ay Pinoy, ngunit mas pinahahalagahan ang pagiging Tagalog, Bisaya, Ilocano.....

Kailan nga ba natin matatanggap na tayo ay Pilipino?
|| nilaga ni qroon, 3:45 PM || link || (2) ang nakihigop |