Tinipong kaisipan, saloobin at kung anu-ano pang bagay.
Monday, October 23, 2006
Kwentong Barbero
Nasa elementarya pa lang ako ay may suki na akong barbero, si Mang Alden. Hanggang sa mag-asawa ako at magka-anak ay sya ang paborito kong barbero. Palaging may kwentuhan, tungkol sa banda, pulitika at kalokohan. Kabisado na rin nya ang buhok ko at sa istilong gusto ko (kalimitan ay semi-kalbo na may patilya at balbas).
Pero kahapon ay napilitan akong magpagupit sa iba. May card kasi si Joy, yung may libre kang gupit pag napuno mo yung card. Sa isang "salon ng bayan" ako nagpagupit. Pasok ako sa salon. Ayayay! Mga bruha! Malandi ang paligid. Ayos lang sa akin, di naman ako homophobic. Natutuwa pa nga ako sa mga hirit ng mga bading.
Heto na ang gupitan. Ang sabi ko kasi, "Yung tabi lang ha, tapos wag mong puputulin ang patilya". Pero kamukat mukat ko eh unang pinanipis ang pinakaiingat-ingatan kong apache! Haaayyy... Parang nagsisisi ako tuloy. Wala na ngang kwento, pinutol pa ang patilya ko.
Hahanap-hanapin mo talaga yung medyo maalinsangang panahon. Ang amoy ng after-shave at mumurahing pulbos. Yung matalas labaha at hindi mumurahing blade na baka mataga pa ako. Yung bentilador sa kisame na medyo may kaingayan. Mga kwentuhan ng mga parokyanong nagtatalo sa kung anu-ano. May kalumaang mga tugtugin na nagmumula sa basag na speaker.
Masarap talaga sa barberiya. Sa barberiya ni Mang Alden. At masayang pakinggan ang mga Kwentong Barbero.
|| nilaga ni qroon, 6:27 PM